Monday, May 17, 2004

Nilamon ng Lumbay


Ang lumbay sa ula'y sumabay

"Nahihilo, inaantok, nababaliw, natatakot, ang buhay ko'y gulung-gulo. Ako ay ako ngunit sa tuwing pag-inog ng mundo ako'y nawawala, ako'y nagwawala. Nasaan na kaya ako?" -isang 'di kilalang nilalang

Sa buhay ng tao, may mga pagkakataong nawawalan ng saysay ang bawat araw na pilit niyang bigyan ng kulay. Dumadating ang pagkakataong hinding hindi niya matanto kung bakit ba niya kailangan pang gumising sa umaga para lamang tumunganga at hintaying dumaan ang isa nanamang araw na walang katorya-torya. Sa kasawiangpalad, ako ang taong ito.

Huli akong nakapag-sulat nang Biyernes ng hapon. 'Di na ako nakapag-sulat kinabukasan o noong sumunod na araw pagkatapos noon sapagkat marami akong ginawang nararapat sa aking atensyon at panahon.

Ilang linggo na akong ginagahol ng oras at lakas. Tila sa bawat araw na kumakaripas, wala man lang akong magawang ayon sa aking kagustuhan. Sa tuwing lulubog ang araw, sasabihin ko sa salamin, "ANAK KA NG TETENG! Wala nanaman akong nagawa!!!". Iba rin talaga itong buhay ng tao, buntis sa kabalintunaan. Apat na taon ko nang hinihintay ang takdang panahon kung kailan ako'y magiging malaya mula sa gapos na nagngangalang high school. Ngunit ngayong ang mga gapos ay wala na, 'di ko maramdaman ang kalayaan, 'di ko maramdaman ang kaligayahan. Lagi na lang akong nakasimangot, laging nakasalumbaba. Ilang dosenang araw na ang dumaan, 'di ko man lang nadampian ang hinahanap-hanap.

Kumusta na kaya ang mga kaibigan? Sila kaya'y nagsasaya? Siguro sila'y nagsisitampisawan sa mga ilog at batis na sobra ang sarap. Siguro sila'y nagpapakalugod sa mga pagkaing walang patid na inihahandog. Siguro sila'y nagpapakasasa sa mga barakada't samahang walang humpay. Siguro sila'y masaya. Siguro nga. Siguro nga.

Kumusta na kaya ang nga naka-away? Sila kaya ay galit pa? Siguro sila'y wala pa ring paki-alam. Siguro sila'y inis na inis pa. Siguro sila'y nananahimk na. Siguro nga. Siguro nga.

Kumusta na kaya ang mga taong 'di ko pa nakikilala. Sila kaya'y naghihintay? Siguro sila'y sabik na sabik na. Siguro sila'y naghahanda na. Siguro sila'y handang-handa na. Siguro nga. Siguro nga.

Kumusta na kaya ang sariling iniwan ko matapos isara ang isa nanamang yugto ng aking nakalulumbay na buhay. Siya kaya'y nangungulila? Siguro siya'y naghahanap parin ng kaligayahan. Siguro siya'y malaya na. Siguro siya'y naririyan lang, naghihintay, nagaabang. Siguro nga. Siguro nga.

Patuloy kong tinatalunton ang masukal na landas ng aking buhay. 'Di ko alam kung saan ako dinadala ng aking mga paa. Walang katiyakan, walang kasiguraduhan. May mga pagkakataong ang mga binti koy' pagod na at nais nang magpahinga. Ngunit sa mundong itong aking tinitirhan, natutunan kong 'wag nang tumigil pa. Sapagkat kung ang hangari'y hahayaang humupa, maaaring ito'y 'di na manumbalik pa. Dapat ang paglalakbay ay magpatuloy.

Sa buhay ko, ilang daluyong na ang nanalanta. Ilang hinagpis at paghihirap na ang humampas sa likod kong punung-puno na ng pekas. Noong una'y gusto ko nang sumuko at yumukod sa mga malulupit na ihip ng hanging. Ilang ulit na akong nadadapa. Ilang ulit na akong nahuhulog. Ngunit sa tuwing ang mukha ko'y napapahalik sa lupa't ang ulo ko'y napapaligo sa dugo, maririnig ko ang munting tinig na mula sa malayo. Ang tinig na ito'y isang himig na kasing tamis ng huni ng mga ibon at kasing sarap ng awit ng ulan. Ito ang tinig ng aking mahal na Diyos Ama. Ang kanyang tinig na tila nagsasabing, "Bumangon ka anak, bumangon ka!", ay nagsisilbing bukal ng lakas upang ipagpatuloy ang laban. Ang kanyang boses ang nagsisilbing gabay upang hamunin ang kadilimang naghahangad gapiin ang apoy ng pananalampalataya na nananahan sa aking puso. Ang aking Panginoon ang tangi kong pag-asa.

Sa paghahanap ng tunay na kahulugan ng buhay, ako'y laging nawawala. May mga pagkakataong akala ko'y natagpuan ko na ang tunay na saysay ng buhay na ipinagkaluob sa akin na punung-puno ng pagmamahal. Ngunit sa tuwing ang hampas ng kalungkutan ay hahagupit sa aking abang kaluluwa, ang ilang taong paghahanap ay mukhang nauwi na sa wala. Ito'y patunay lamang na sa mundong ibabaw, walang kasiguraduhan at walang katiyakan.

Unti-unti na akong ginagapi ng kalungkutan. Ngunit ang kalungkuta'y 'di lamang hatid ng mga luhang dumadampi mukha na parang pag-bagsak ng tubig-ulan sa mga tuyong pitak ng lupa. Ang kalungkuta'y 'di lamang ang kawalang presensya ng kasiyahan. Ang kalungkuta'y hindi isang kahinaan. Ito'y hindi tanda ng kawalang ng tagumpay sa buhay. Ang kalungkutan kong ito ay hindi isang manipestasyon na wala akong dahilan upang matuwa, sapagkat napakaraming dahilan upang ako'y magsaya. Ang kalungkutan ko'y hindi nangangahulugan na nagapi na ng kadiliman ang aking puso't gunita. Ang kalungkutan ay isang bahagi lamang ng buhay. Ngunit tulad ng iba pang mga piyesa ng buhay - tuwa, hirap, sakit - ito'y lumilipas din na parang mga ulap na dala ang mga ulang bumabaha sa aking buhay.

Pilit ko mang bigyang kadahilanan ang kalungkutang gumagapang sa ilalim ng aking balat, hindi ko ito magawa. Siguro'y kailangan ko nalang maging isang puno ng kawayan sa gitna ng rumaragasang sigwa. Hihintayin ko nalang maubos ang lakas ng bagyong nais akong patumbahin sapagkat alam kong ito'y may hangganan at ang lakas ko'y wala.

Ang lahat ng ito'y simula pa lamang ng nakaambang na sigalot ng aking pagkatao ngunit hinding-hindi ako titiklop, hinding-hindi ako mabababali. Lamunin man ako ng lumbay, ang pag-ibig ko sa iyo at sa aking Panginoo'y 'di matutugnas. Sana'y 'pag ang bagyo'y humupa na, kapag akin nang idinilat ang aking mga mata, ay ang iyong kamay ay hawak na.
 @  1:12 PM

Post a Comment

<< Home